Nakapagtala ang Cebu Police Provincial Office (CPPO) ng 476 na nahuling lumabag sa iba’t ibang lokal na ordinansa sa isinagawang sabayang anti-criminality operations sa buong lalawigan noong Hulyo 21, 2026.
Sa kabuuang 269 na operasyon, nahuli ang mga lumabag sa mga ordinansa laban sa pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar, curfew ng mga menor de edad, iligal na videoke operations, at iba pang lokal na paglabag. Sa mga nahuli, 331 ang pinagmulta at 145 ang binigyan ng babala.
Ayon kay PCol Abubakar Udang Mangelen Jr., layunin ng kampanya na mapanatili ang disiplina, mapalakas ang police visibility, at higit pang mapahusay ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa.
Patuloy na isinusulong ng CPPO ang Safer Cities Initiative sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ilalim ng adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Panulat ni Pat Flora Mae Asarez



