Halos 2,000 ordinance violators, naitala ng PRO5 sa Safer Cities Initiative Campaign

0
321

Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng isang mas ligtas, maayos, at disiplinadong pamayanan, patuloy na pinaigting ng Police Regional Office 5 (PRO 5) ang pagpapatupad ng Safer Cities Initiative, isang komprehensibong programa na naglalayong palakasin ang kapayapaan at kaayusan, tiyakin ang kaligtasan ng publiko, at sugpuin ang mga paglabag sa mga lokal na ordinansa na maaaring magdulot ng kaguluhan at banta sa seguridad ng komunidad.

Sa pamamagitan ng mas pinaigting na pagpapatupad ng batas at mas mataas na police visibility sa iba’t ibang lugar sa Bicol Region, patuloy na tinutugunan ng PRO5 ang mga paglabag sa mga lokal na ordinansa at regulasyong pangkaligtasan. Layunin nitong higit pang mapaigting ang disiplina, pananagutan, at paggalang sa umiiral na mga batas at pamantayan ng komunidad.

Mula nang ipatupad ang Safer Cities Initiative noong Abril 6 hanggang Hulyo 20, 2026, umabot na sa 193,318 katao ang nahuli dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga lokal na ordinansa at regulasyon.

Kabilang sa mga naitalang paglabag ang 41,843 indibidwal na nahuling umiinom ng alak at naninigarilyo sa mga pampublikong lugar; 20,730 ang nahuling gumagala sa pampublikong lugar nang walang suot na damit sa itaas na bahagi ng katawan; 4,098 ang nahuli dahil sa pag-ihi sa pampublikong lugar, pagtatapon ng basura kung saan-saan, at hindi wastong pamamahala ng basura; 3,531 ang lumabag sa itinakdang oras ng paggamit ng karaoke; 48,929 menor de edad ang nahuling lumabag sa curfew; 547 ang nahuli dahil sa vandalism; 10,380 ang nasangkot sa mga road clearing operation kaugnay ng mga ilegal na istruktura at obstruksiyon sa kalsada; 694 ang nahuling nagsusuot ng balaclava; at 62,566 naman ang nahuli dahil sa paglabag sa mga ordinansa sa trapiko.

Sa kabuuang bilang ng mga nahuli, 63,505 ang pinatawan ng kaukulang multa, habang 129,805 ang binigyan ng babala at pinalaya matapos maayos na maitala ang kanilang paglabag, mabigyan ng kaukulang counseling, at paalala hinggil sa kahalagahan ng pagsunod sa umiiral na mga batas at lokal na ordinansa.

Ayon sa PRO5, mahalagang bahagi ng Safer Cities Initiative ang maagap na pagtugon sa mga maliliit na paglabag na maaaring humantong sa mas malalaking suliranin sa kapayapaan at kaayusan kapag napabayaan.

Binigyang-diin ni PBGen Erosito N. Miranda, Regional Director ng PRO 5, na ang Safer Cities Initiative ay hindi lamang isang kampanya sa pagpapatupad ng batas kundi isang sama-samang adhikain ng Philippine National Police, mga lokal na pamahalaan, at ng mamamayan upang maitaguyod ang kultura ng disiplina, pananagutan, at paggalang sa batas.

Patuloy namang hinihikayat ng PRO5 ang lahat ng Bicolano na makiisa sa programa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga lokal na ordinansa, agarang pag-uulat ng mga ilegal na aktibidad, at aktibong pakikilahok sa mga hakbangin para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kani-kanilang mga komunidad bilang bahagi ng layunin ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply