2 babae, arestado sa Lasam, Cagayan sa kasong paglabag sa R.A. 3720; Mga hinihinalang ilegal na gamot, nasamsam

0
197

Matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Lasam Police Station ang dalawang babaeng hinihinalang sangkot sa ilegal na pagbebenta ng iba’t ibang uri ng gamot sa isinagawang law enforcement operation sa bayan ng Lasam, Cagayan noong Hulyo 20, 2026.

Isinagawa ang operasyon matapos mahuling nag-aalok at nagbebenta ang dalawang suspek ng iba’t ibang gamot nang walang maipakitang kaukulang lisensya o awtorisasyon alinsunod sa umiiral na batas. Dumalo rin ang mga opisyal ng barangay bilang mga saksi sa isinagawang imbentaryo at dokumentasyon ng mga nakumpiskang ebidensya upang matiyak ang pagiging maayos at transparent ng operasyon.

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Ena,” 30 taong gulang, at alyas “Jade,” 25 taong gulang, kapwa residente ng Lal-lo, Cagayan. Nakumpiska mula sa kanilang pag-iingat ang libu-libong piraso ng iba’t ibang uri ng gamot, kabilang ang antibiotics, pain relievers, antihypertensive, antidiarrheal, vitamins, at iba pang over-the-counter at prescription medicines, isang temporary receipt booklet, belt bag, isang Honda Click na motorsiklo, at dalawang cellular phone.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 3720, na inamyendahan ng Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009, kaugnay ng ilegal na pagbebenta at distribusyon ng mga produktong pangkalusugan nang walang kaukulang awtorisasyon.

Patuloy na pinaiigting ng Cagayan Police Provincial Office ang kampanya laban sa ilegal na pagbebenta at distribusyon ng mga produktong pangkalusugan upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mamamayan. Hinihikayat din ang publiko na bumili lamang ng mga gamot at iba pang health products mula sa mga lisensyadong botika at awtorisadong establisyemento upang matiyak ang kalidad, bisa, at kaligtasan ng mga produktong kanilang ginagamit.

Ang matagumpay na operasyong ito ay sumasalamin sa patuloy na dedikasyon ng Philippine National Police sa pagpapatupad ng batas at pangangalaga sa kapakanan ng publiko, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: Cagayan Police Provincial Office

Leave a Reply