Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Sagada Municipal Police Station (MPS), Bontoc MPS at 3rd Platoon ng 2nd Provincial Mobile Force Company, katuwang ang ibang ahensya ng gobyerno at mga boluntaryong residente, sa isang aksidente ng pagkahulog ng isang sasakyan sa bangin sa kahabaan ng National Road sa Sitio Ata-at, Barangay Balili, Bontoc, Mountain Province noong Hulyo 19, 2026.
Agad na naiparating sa himpilan ng pulisya ang ulat hinggil sa insidente, dahilan upang walang pag-aatubiling rumesponde ang mga kapulisan at iba pang rescuers sa lugar upang magsagawa ng rescue at retrieval operations.
Sa pamamagitan ng maagap, maayos, at koordinadong pagtugon ng mga kapulisan at mga katuwang na ahensya, matagumpay na naiahon ang biktima mula sa pinangyarihan ng aksidente. Agad din siyang nabigyan ng paunang lunas bago ligtas na isinugod sa Saint Theodore’s Hospital sa Sagada para sa karagdagang pagsusuri at gamutan.
Kaugnay nito, mariing nanawagan ang Inayan Cops sa publiko na palaging mag-ingat at maging responsable sa pagmamaneho upang maiwasan ang mga aksidente at mapanatiling ligtas ang lahat sa daanan. Pinapaalalahanan din ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang sasakyan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng BLOWBAGETS inspection, sumunod sa mga batas-trapiko, at maging updated sa lagay ng panahon bago bumiyahe.
Ipinakikita ng insidenteng ito ang kahalagahan ng pagtutulungan ng kapulisan, iba’t ibang ahensya, at ng komunidad sa maagap na pagtugon sa mga emerhensiya. Ang kanilang mabilis at koordinadong pagkilos ay patunay ng kanilang dedikasyon sa pagliligtas ng buhay at paglilingkod sa publiko, na sumasalamin sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP Mountain Province Police Provincial Office



