Kasabay ng pagdiriwang ng ika-31 Police Community Relations (PCR) Month, matagumpay na isinagawa ng Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) ang V.I.P. (Visiting Indigenous People and Poor) Kids Weekend Treat noong Hulyo 11, 2026, na dinaluhan ng mga batang katutubo at kapos-palad mula sa iba’t ibang bayan ng Ilocos Norte bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng ugnayan ng kapulisan at komunidad.
Nagbigay ng mensahe sina PCol Joemar Q. Labiano, Provincial Director, at PLtCol Jessie D. Balinang, Deputy Provincial Director for Operations, kung saan binigyang-diin nila ang kahalagahan ng malasakit, pagkakaisa, at sama-samang pagkilos sa pagtataguyod ng kapakanan at magandang kinabukasan ng mga kabataan.
Nakatanggap ang mga kalahok ng food packs, school supplies, hygiene kits, V.I.P. Kids shirts, pagkain, tsinelas, at iba pang pangunahing pangangailangan. Nagkaroon din sila ng pagkakataong bumisita sa Bureau of Fire Protection Laoag City Fire Station at mag-enjoy sa mga rides sa Tom’s World sa Robinsons Ilocos.
Naging matagumpay ang programa sa tulong ng Provincial Government of Ilocos Norte, mga opisyal ng pamahalaan, pribadong sektor, at iba pang partner organizations na nagkaisa upang makapaghatid ng saya, pag-asa, at inspirasyon sa mga kabataan.
Sa pamamagitan ng gawaing ito, muling pinagtibay ng Ilocos Norte PPO ang kanilang dedikasyon sa pagpapalakas ng ugnayan sa komunidad sa pamamagitan ng mga programang may malasakit at makabuluhang pakikilahok, kaakibat ang adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan
Source: Ilocos Norte PPO



