Matagumpay na naaresto ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang 35 wanted persons sa isinagawang isang linggong anti-criminality operations sa buong rehiyon mula Hulyo 4 hanggang 11, 2026. Kasabay nito, 58 munisipalidad ang nagtala ng zero crime incidents, patunay ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad at ng patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Cordillera.
Batay sa datos ng Regional Investigation and Detective Management Division, nanguna ang Benguet Police Provincial Office at Baguio City Police Office sa may pinakamaraming naarestong wanted persons na tig-12, sinundan ng Abra Police Provincial Office (PPO) na may lima, Ifugao PPO na may tatlo, habang tig-iisa naman ang naitala ng Apayao, Kalinga, at Mountain Province PPOs. Sa kabuuang naaresto, lima ang kabilang sa Most Wanted Persons, na kinabibilangan ng tatlong Regional Level at dalawang Municipal Level na mga personalidad.
Malaki rin ang naging ambag ng pinaigting na police visibility at aktibong pakikipagtulungan ng komunidad sa mapayapang kalagayan ng rehiyon. Naitala ang zero crime incidents sa 25 munisipalidad sa Abra, siyam sa Mountain Province, walo sa Ifugao, pito sa Apayao, lima sa Benguet, at apat sa Kalinga. Nagrehistro rin ng zero crime incidents ang Police Stations 5, 8, at 9 ng Baguio City Police Office sa nasabing panahon.
Bukod sa matagumpay na manhunt operations, nakapagtala rin ang PRO CAR ng 81.82 porsiyentong Crime Clearance Efficiency at 78.18 porsiyentong Crime Solution Efficiency.
Patuloy na pinagtitibay ng PRO CAR ang pagpapatupad ng mga estratehiya laban sa kriminalidad sa pamamagitan ng maagap na pagpapatupad ng batas at matatag na pakikipag-ugnayan sa mga komunidad, kaakibat ang adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO CAR



