Takas na PUPC, aresto sa dragnet operation ng Catanduanes PPO

0
88

Muling naaresto ng Catanduanes Police Provincial Office (CatPPO) ang isang drug suspect na nakatakas habang nasa kustodiya ng pulisya, kasunod ng isinagawang pitong-oras na masinsinang dragnet operation.

Ipinakita ng operasyon ang mabilis, maagap, at magkakaugnay na pagtugon ng mga operatiba upang matiyak na agad na maibalik sa kustodiya ang tumakas na suspek.

Batay sa paunang ulat, ang 44-anyos na Person Under Police Custody (PUPC) na kinilala lamang sa alyas na “Boss” ay nakatakas bandang alas-10:00 ng umaga noong Hulyo 12, 2026 habang sumasailalim sa gamutan sa Eastern Bicol Medical Center (EBMC) sa bayan ng Virac.

Ayon sa imbestigasyon, sinamantala ng suspek ang pagkakataon matapos humingi ng pahintulot sa duty nurse na magtungo sa palikuran, bago tuluyang tumakas mula sa ospital.

Agad namang naglunsad ng malawakang dragnet operation ang mga tauhan ng Virac Municipal Police Station (MPS), katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) at iba pang support units ng CatPPO.

Dahil sa maagap at magkakaugnay na operasyon ng mga yunit, matagumpay na na-corner at muling naaresto ang tumakas na suspek makalipas ang pitong oras.

Batay sa rekord, unang naaresto ang suspek noong Mayo 11, 2026 dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, matapos makumpiska sa kanyang pag-iingat ang humigit-kumulang 44.5 gramo ng hinihinalang shabu.

Sa isinagawang debriefing noong Hulyo 13, 2026, pinuri ni Catanduanes Police Provincial Director PCol Virgilio R. Buena ang mabilis, mahusay, at magkakaugnay na pagkilos ng mga operatiba na naging dahilan ng matagumpay na muling pagkakahuli sa suspek.

Kasabay nito, iniutos din ni PCol Buena ang pagsasagawa ng masusing administratibong imbestigasyon upang matukoy ang posibleng pananagutan ng mga tauhang nakatalaga sa pagbabantay sa suspek nang mangyari ang insidente.

“Ang matagumpay na muling pagkakadakip sa tumakas na suspek ay patunay ng dedikasyon, pagiging mapagmatyag, at mahusay na koordinasyon ng ating mga kapulisan. Kasabay nito, titiyakin din natin ang pananagutan ng sinumang mapapatunayang nagkulang sa pagtupad sa kanyang tungkulin upang hindi na ito maulit,” ani PCol Buena.

Muling iginiit ng Catanduanes Police Provincial Office ang matatag nitong paninindigan sa pagpapatupad ng disiplina sa hanay ng pulisya, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at pagsusulong ng epektibong pagpapatupad ng batas alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Pinaalalahanan din nito ang publiko na ang sinumang magtatago, tutulong, o magbibigay ng anumang uri ng tulong sa isang tumakas na detenido ay maaaring managot sa ilalim ng Presidential Decree No. 1829 o Obstruction of Justice.

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply