Muling ipinamalas ng mga tauhan ng Maconacon Police Station ang kanilang malasakit at kahandaan sa pagtugon matapos nilang matulungan ang isang estudyanteng nawalan ng malay habang nasa loob ng Maconacon National High School noong Hunyo 24, 2026.
Habang nagsasagawa ng school visitation at security monitoring, napansin ng mga pulis ang isang estudyanteng bigla umanong nawalan ng malay. Dahil sa kanilang pagiging alerto at maagap na pagresponde, agad nilang siniguro ang kaligtasan ng mag-aaral at nakapagbigay ng kinakailangang tulong upang maiwasan ang anumang posibleng komplikasyon.
Agad na nagbigay ng paunang lunas sina PSSg Jose G. Jacquias at PCpl Mark Anthony M. Soria bago ligtas na maisugod ang estudyante sa Maconacon Rural Health Unit para sa agarang medikal na atensyon. Dahil sa kanilang mabilis na pagkilos, nabigyan ng kapanatagan ang mga guro, mag-aaral, at iba pang naroroon sa oras ng insidente.
Ayon kay PCol Manuel B. Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, “Ang insidenteng ito ay sumasalamin sa tunay na diwa ng paglilingkod ng ating kapulisan. Hindi lamang pagpapanatili ng kapayapaan ang tungkulin ng ating mga pulis kundi maging ang agarang pagtulong at pagprotekta sa buhay ng ating mamamayan, lalo na ng ating mga kabataan na siyang pag-asa ng bayan.”
Patuloy namang pinagtitibay ng Maconacon Police Station ang kanilang police visibility at community engagement initiatives upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng publiko. Sa pamamagitan ng maagap na pagtugon, makataong serbisyo, at aktibong pakikipag-ugnayan sa komunidad, patuloy na isinusulong ng Philippine National Police ang isang ligtas, mapayapa, at mas matatag na pamayanan, kaakibat ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP Isabela



