Patuloy na isinusulong ng Philippine National Police (PNP) ang balanseng pagtiyak ng kaligtasan sa mga paaralan at pananagutan ng mga kabataan kasunod ng mga insidenteng kinasasangkutan ng ilang menor de edad sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ayon sa pamunuan ng PNP sa ilalim ng liderato ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalagang pagtugmain ang accountability, prevention, intervention, at paggalang sa mga karapatan ng mga bata upang mapanatili ang ligtas, maayos, at inklusibong kapaligiran sa pag-aaral.
Batay sa tala ng PNP Women and Children Protection Center, nakapagtala ng kabuuang 1,275 school-related incidents na kinasasangkutan ng Children in Conflict with the Law (CICLs) mula 2022 hanggang 2025. Pinakamataas ang naitalang bilang noong 2023 na may 395 insidente, sinundan ng 345 noong 2024, 325 noong 2025, at 210 noong 2022. Ipinakita rin sa datos na ang mga kasong ito ay tinugunan sa pamamagitan ng iba’t ibang legal, social welfare, at community-based mechanisms. Sa loob ng apat na taon, 279 kaso ang naisampa sa korte, 323 ang nananatiling nasa ilalim ng paunang imbestigasyon, 221 ang nauwi sa maayos na kasunduan, at 52 ang isinangguni sa mga social welfare authorities para sa kaukulang interbensyon at suporta.
Ayon sa PNP, ipinakikita ng mga datos na magkakaiba ang kalagayan ng mga kasong kinasasangkutan ng mga menor de edad kaya’t kinakailangang mabalanse ang pananagutan at rehabilitasyon. Binigyang-diin din ng kapulisan na maraming kabataan ang higit na nangangailangan ng wastong paggabay, suporta ng pamilya, at aktibong pakikilahok ng komunidad upang maiwasan ang pag-ulit ng paglabag at maisulong ang kanilang positibong pag-unlad.
Sinabi ni PGen Nartatez na iginagalang ng PNP ang proseso ng lehislatura kaugnay ng usapin ng Minimum Age of Criminal Responsibility (MACR). Aniya, anumang batas na maipapasa ng Kongreso ay tapat na ipatutupad ng PNP alinsunod sa due process, paggalang sa karapatang pantao, at umiiral na mga batas ng bansa.
“Hindi lamang ito usapin ng pananagutan. Mahalaga rin ang papel ng pamilya, paaralan, komunidad, at iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa paggabay sa ating mga kabataan. Kung maaga nating matutugunan ang mga suliranin at panganib na kanilang kinakaharap, mas marami tayong kabataang mailalayo sa mga sitwasyong maaaring magdulot ng kapahamakan sa kanila at sa iba,” dagdag pa ng PNP Chief.
Patuloy ding pinalalakas ng PNP ang pakikipag-ugnayan nito sa mga paaralan, lokal na pamahalaan, mga tanggapan ng social welfare, at iba pang stakeholder upang mapanatili ang ligtas na kapaligiran sa pag-aaral. Kabilang dito ang pagpapaigting ng mga estratehiya sa pag-iwas sa krimen, community partnership programs, at iba pang hakbang na nakatuon sa maagap na pagtugon sa mga banta sa seguridad ng mga mag-aaral at komunidad.
Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nananatiling nakatuon ang PNP sa pagtataguyod ng ligtas na mga paaralan at mas matatag na mga komunidad kung saan malayang makapag-aaral at makapaghahanda para sa kinabukasan ang mga kabataan. Kaakibat nito ang patuloy na pagsusulong ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” bilang gabay sa makatao, patas, at responsableng paglilingkod para sa kapakanan ng bawat Pilipino.
Source: PNP-PIO



