Arestado ang isang drug personality matapos makumpiskahan ng humigit-kumulang Php4.76 milyong halaga ng hinihinalang shabu at dalawang baril sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay San Isidro, Baao, nitong hapon ng Hunyo 24, 2026.
Pinangunahan ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit 5 (RDEU-5), Philippine Drug Enforcement Group Region 5 (PDEG-5), Provincial Drug Enforcement Unit ng Camarines Sur Police Provincial Office, PDEA Regional Special Enforcement Team 2 (RSET-2), PDEA Camarines Sur, at Baao Municipal Drug Enforcement Unit sa ilalim ng pamumuno ni PMaj Engelbert L. Toraldo, Chief of Police ng Baao Municipal Police Station.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Tagalog,” 32 taong gulang, may kinakasama, residente ng Makati City at pansamantalang naninirahan sa Barangay San Isidro, Baao, Camarines Sur.
Sa karagdagang inspeksyon sa katawan at mga personal na gamit ng suspek, nakarekober pa ang mga operatiba ng siyam na plastik na sachet na naglalaman din ng hinihinalang shabu. Umabot sa kabuuang 700 gramo ang timbang ng mga nakumpiskang ilegal na droga na may tinatayang standard drug price na Php4,760,000.
Nasamsam din sa operasyon ang buy-bust money, isang kalibre .45 na pistola, isang 9mm pistol na parehong may lamang bala, isang ekstrang magazine para sa 9mm, isang itim na belt bag, isang cellphone, at isang digital weighing scale na pinaniniwalaang ginagamit sa ilegal na aktibidad.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon sa pulisya, naging matagumpay ang operasyon dahil sa mahusay na koordinasyon ng mga law enforcement agencies sa ilalim ng pamumuno ng Police Regional Office 5, Camarines Sur Police Provincial Office, PDEA, at Baao MPS, gayundin sa patuloy na suporta at pakikipagtulungan ng komunidad sa kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang kriminalidad.
Bilang bahagi sa layunin ng pulisya na makapahatid ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” tiniyak ng PRO5 na hindi sila titigil sa pagpapatupad ng parehong mga operasyon para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat ng mamamayan sa Bicol Region.
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos



