Mabilis na kumilos ang Ilocos Norte Police Provincial Office, sa pamumuno ni PCol Labiano, matapos ang emergency beaching ng Landing Craft Transport (LCT) MSCI 1 sa baybayin ng Barangay La Virgen, Badoc, Ilocos Norte noong Hunyo 9, 2026.
Sa pagdating sa lugar, agad na pinangunahan ni PCol Labiano ang operasyon at nagtatag ng mahigpit na koordinasyon sa Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), Philippine Coast Guard (PCG), PNP Maritime Group, Bureau of Fire Protection (BFP), at Lokal na Pamahalaan ng Badoc upang maisagawa ang agarang paglilinis at pagpigil sa pagkalat ng oil spill sa dalampasigan.
Layunin ng pinagsanib na operasyon na maprotektahan ang yamang-dagat at likas na yaman ng Badoc, maiwasan ang paglawak ng kontaminasyon sa mga kalapit na marine sanctuary, matiyak ang kaligtasan ng publiko, at mabawasan ang posibleng epekto ng insidente sa kapaligiran.
Patuloy ang isinasagawang monitoring at pagsusuri sa baybayin ng mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang ganap na pagkontrol sa sitwasyon at pagpapanumbalik ng katatagan ng kapaligiran. Pinapayuhan din ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at sundin ang mga itinakdang safety perimeter habang nagpapatuloy ang mga operasyon sa paglilinis ng apektadong lugar.
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan
Source: Ilocos Norte PPO



