Arestado ang isang 39-anyos na lalaking kinilalang si alyas “Louie” matapos siyang masangkot sa umano’y cyber blackmail at serye ng pagbabanta laban sa isang babae sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Impig, Sipocot, Camarines Sur, noong Hunyo 10, 2026.
Sa pamamagitan ng entrapment operation, matagumpay na naaresto ang suspek, kung saan nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang isang itim na android cellular phone na pinaniniwalaang ginamit sa pakikipag-ugnayan at pagbabanta sa biktima.
Sa isinagawang beripikasyon, napag-alamang may mga nauna nang kasong naitala laban sa suspek, kabilang ang Kidnapping and Failure to Return a Minor, Grave Threats, at paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, na naitala sa San Juan, Batangas.
Pinuri naman ni PBGen Erosito N. Miranda, Regional Director ng Police Regional Office 5, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon.
Aniya, “Ang matagumpay na operasyong ito ay nagpapakita ng ating matatag na paninindigan laban sa anumang uri ng pang-aabuso, pananakot, at cyber-enabled crimes. Hindi natin hahayaang gamitin ang teknolohiya bilang kasangkapan upang takutin, gipitin, o samantalahin ang ating mga mamamayan. Ang sinumang lalabag sa batas at magdudulot ng panganib sa seguridad at kapakanan ng iba ay pananagutin natin sa buong puwersa ng batas.”
Patuloy ding hinihikayat ng PRO5 ang publiko na agad na magsumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kung sila ay biktima o may nalalamang insidente ng cybercrime upang agad itong maaksyunan at mabigyan ng kaukulang proteksyon.
Ang matagumpay na operasyon ay naaayon sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas:Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,”



