Plantasyon ng marijuana sa kalinga, nadiskubre; Mahigit 5,000 tanim, sinunog

0
91

Nadiskubre at agad na sinunog ng pinagsanib na puwersa ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang plantasyon ng marijuana sa Barangay Loccong, bayan ng Tinglayan, Kalinga noong Hunyo 9, 2026.

Ayon sa ulat ng Regional Operations Division ng PRO CAR, aabot sa 5,500 fully grown marijuana plants na may tinatayang Standard Drug Price na Php1.1 milyon ang natagpuan sa isinagawang marijuana eradication operation sa nasabing lugar.

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng magkatuwang na puwersa ng Tinglayan Municipal Police Station, 2nd Provincial Mobile Force Company ng Kalinga Police Provincial Office, at PDEA Kalinga. Agad na binunot at sinunog sa lugar ang lahat ng nadiskubreng tanim upang matiyak na hindi na ito magagamit sa ilegal na kalakalan.

Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga nasa likod ng naturang ilegal na plantasyon at matunton ang iba pang posibleng taniman sa mga kalapit na lugar. Pinaiigting din ang koordinasyon ng mga law enforcement agencies upang tuluyang masugpo ang operasyon ng ilegal na droga sa rehiyon.

Muling nanawagan ang PRO CAR sa publiko na maging mapagmatyag at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga komunidad, kasabay ng pagpapatibay ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tungo sa isang ligtas at drug-free na Cordillera.

Source: PRO CAR

Leave a Reply