Mahigit 89,000 tauhan ang ipinakalat ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa upang tiyakin ang ligtas at maayos na pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong Hunyo 12. Kabilang sa mga binabantayang lugar ang mga pangunahing pook pasyalan, makasaysayang monumento, gusali ng pamahalaan, terminal ng transportasyon, pangunahing lansangan, at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.
Bilang paghahanda sa pambansang selebrasyon, isinailalim ng PNP sa Full Alert Status ang lahat ng yunit nito simula alas-5 ng hapon ng Hunyo 11 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Hunyo 12, 2026. Layunin nitong matiyak ang kahandaan ng mga pulis sa mabilis na pagtugon at pagpapanatili ng seguridad sa buong panahon ng pagdiriwang.
Ayon sa PNP, kabuuang 89,473 personnel ang naitalagang magbigay ng seguridad sa buong bansa. Binubuo ito ng 77,020 na PNP personnel, 1,975 tauhan mula sa iba pang yunit, at 10,478 force multipliers. Sa bilang na ito, tinatayang 16,000 ang nakatalaga sa National Capital Region (NCR) upang bantayan ang mga pangunahing convergence areas at kritikal na imprastraktura.
Kasama rin sa mga ipinatutupad na hakbang sa seguridad ang pagdaragdag ng puwersa sa mga pangunahing venue, seguridad sa mga rutang daraanan ng mga opisyal, at pagbabantay sa mahahalagang instalasyon ng pamahalaan. Pinaigting din ang pagpapatupad ng mga border control checkpoint at chokepoint operations bilang bahagi ng law enforcement at crime deterrence measures.
Sinabi ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na nakahanda ang buong kapulisan upang tiyakin ang mapayapa at ligtas na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Aniya, patuloy ding pinalalakas ng PNP ang koordinasyon nito sa mga lokal na pamahalaan, katuwang na ahensya, at force multipliers upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga operasyong pangseguridad sa buong bansa.
Source: PNP-PIO



