Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng 1501st Maneuver Company (1501st MC) ng Regional Mobile Force Battalion 15 (RMFB15), katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP)-Bontoc, Bontoc Municipal Police Station (BMPS), at mga boluntaryo, sa isang aksidente sa kalsada na naganap sa Sitio Ambatek, Barangay Bayyo, Bontoc, Mountain Province noong Hunyo 10, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon, isang 23-anyos na lalaki mula sa Sitio Alimit, Barangay Hucab, Kiangan, Ifugao ang nasugatan matapos umanong mawalan ng kontrol sa minamanehong motorized tricycle, na dahilan upang mahulog ito sa isang bangin. Noong natanggap ng mga awtoridad ang impormasyon, walang pag-aatubiling nagtungo ang mga ito sa lugar upang magsagawa ng rescue at retrieval operations.
Sa pamamagitan ng maagap at koordinadong pagkilos ng mga responder at mga volunteer, matagumpay na naiahon ang biktima mula sa pinangyarihan ng aksidente at nabigyan ng paunang lunas bago ligtas na isinugod sa Bontoc General Hospital para sa karagdagang pagsusuri at gamutan.
Ipinakita ng insidente ang kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya at ng komunidad sa pagtugon sa mga emerhensiya. Ang mabilis na aksyon ng mga pulis at iba pang frontliners ay patunay ng kanilang dedikasyon sa pagliligtas ng buhay at paghahatid ng de-kalidad na serbisyo publiko sa ilalim ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP 1501st MC, RMFB 15



