Nakiisa ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office sa pagdiriwang ng ika-128 na Araw ng Kalayaan na may temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan” sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City nitong araw ng Biyernes, ika-12 ng Hunyo 2026.
Nagpalabas naman ng opisyal na pahayag si Police Major General Anthony A Aberin, Regional Director ng NCRPO, sa pakikiisa ng lahat ng kapulisan sa ilalim ng kanyang liderato na patuloy na nagbibigay ng seguridad upang maanatili ang kaayusan at katahimikan sa ating bansa.
“Sa pagdiriwang ng ika-28 Araw ng Kalayaan, muli nating ginugunita ang kagitingan, sakripisyo, at matatag na paninindigan ng mga bayani at karaniwang Pilipinong nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan at kasarinlang tinatamasa natin bilang isang malaya at nagkakaisang bansa.
Sa temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan”, nawa’y magsilbing paalala ang ating nakaraan na ang Kalayaan ay hindi lamang ipinagkaloob—ito ay ipinaglaban, inangkin, at patuloy na pinangangalagaan.
Hinihikayat tayong lahat na ipagpatuloy ang kanilang legasiya sa pamamagitan ng sama-samang pagtataguyod ng isang ligtas, maayos, at mas maunlad na kinabukasan para sa bawat Pilipino.”



