PRO-NIR, nag-deploy ng 1,612 Pulis para sa Ligtas na Balik-Eskwela 2026

0
139

Nag-deploy ang Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR) ng kabuuang 1,612 na mga pulis bilang bahagi ng Oplan “SAFE Balik-Eskwela 2026” upang matiyak ang isang mapayapa, maayos, at ligtas na pagbubukas ng klase noong Hunyo 8, 2026.

Upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, mga guro, at mga magulang, ikinalat ang mga tauhan ng PRO-NIR sa iba’t ibang strategic areas kabilang ang Police Assistance Desks (PADs) sa mga pampublikong at pribadong paaralan upang agarang tumugon sa mga pangangailangan. Nagkaroon din ng mas pinaigting na foot at mobile patrols sa mga pangunahing lansangan, terminal, at tawiran upang maiwasan ang kriminalidad at mapanatili ang kaayusan.

Ayon kay PBGen Romano C. Cardiño, Acting Regional Director ng PRO-NIR, ang inisyatibong ito ay hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng kaayusan kundi maging sa pagpapalakas ng ugnayan ng kapulisan at komunidad sa pamamagitan ng mas nakikitang presensya ng mga pulis sa mga lugar na dinarayo ng publiko.

Samantala, hinikayat ng PRO-NIR ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat sa mga pulis o sa pinakamalapit na himpilan ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang seguridad sa komunidad.

Sa pamamagitan ng mabilis na pagtugon at tapat na serbisyo, muling pinatunayan ng PRO-NIR ang kanilang pangakong magbigay ng seguridad at proteksiyon sa mamamayan, lalo na sa panahon ng pagbabalik-eskwela na naaayon sa mantra ng Pambansang Pulisya na “Bagong PNP para Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Leave a Reply