Tatlo arestado; Php204K halaga ng shabu nasamsam sa nabuwag na drug den sa Ligao, Albay

0
123

Tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto habang nasa halagang Php204,000 ang nakumpiskang hinihinalang shabu matapos mabuwag ng mga awtoridad ang isang drug den sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod ng Ligao, Albay noong Hunyo 7, 2026.

Kinilala ang mga naarestong suspek sa mga alyas na “Dex,” “Rey,” at “Gie,” na pawang itinuturing na tulak ng ilegal na droga na umano’y sangkot sa bentahan at distribusyon ng ilegal na droga sa kanilang lugar.

Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng Ligao City Police Station, katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company ng Albay Police Provincial Office, PDEA Regional Office V Regional Special Enforcement Team 2 (ROV RSET 2), PDEA Sorsogon Provincial Office, PDEA ROV RSET 1, Coast Guard Intelligence Unit–Albay.

Sa operasyon, nakumpiska ang anim na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 30 gramo at tinatayang Standard Drug Price (SDP) na Php204,000.00. Nasamsam din ang iba’t ibang drug paraphernalia at buy-bust money na hinihinalang ginamit sa ilegal na aktibidad. Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Ang matagumpay na operasyong ito ay nagpapakita ng ating matatag na paninindigan laban sa ilegal na droga. Sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon at operasyon, patuloy nating tutugisin ang mga personalidad na sangkot sa iligal na gawain upang mapanatiling ligtas at payapa ang ating mga komunidad,” ani PBGen Erosito N. Miranda, Regional Director ng Police Regional Office 5.

Ang pagkakabuwag sa drug den ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng PRO5 sa PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations at sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Leave a Reply