Lolang nagbibisikleta, nasawi matapos masagasaan ng truck sa Pampanga; Pulisya, patuloy sa paalala sa road safety

0
141

Isang 64-anyos na lola ang nasawi matapos masagasaan ng truck habang nagbibisikleta sa kahabaan ng San Fernando City, Pampanga noong Lunes, Hunyo 8, 2026. Batay sa CCTV footage, makikitang nagbibisikleta ang biktima nang mabundol siya ng kasunod na truck sa kalsada.

Ayon kay Police Major Michael Ray Pamintuan, Substation 3 Commander ng San Fernando City Police Station, umiwas ang biktima sa isang nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada kaya napunta ito sa linya ng truck. Hindi umano napansin ng driver ang pag-iwas ng biktima, kaya naganap ang insidente.

“Hindi napansin ng truck [driver] na umiwas yung victim doon sa naka-park [na sasakyan] kaya na-sidesweep niya [ang biktima],” sabi ni PMaj Pamintuan. “Pagka-sidesweep niya, tumama yung ulo ng victim (sa motor) pagkatapos, nagulungan ng truck,” dagdag niya.

Ayon sa pulisya, nagkaroon ng pagkakasundo ang pamilya ng biktima at ang driver, kaya hindi na itutuloy ang pagsasampa ng kaso. Sa kabila nito, patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na maging maingat sa kalsada at sundin ang mga patakaran sa trapiko.

Muling iginiit ng PNP ang kahalagahan ng disiplina at responsableng pagmamaneho sa kalsada bilang bahagi ng adbokasiya nito sa kaligtasan ng publiko sa ilalim ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” na naglalayong protektahan ang buhay at kapakanan ng bawat mamamayan.

Photo: Credit to GMA Regional TV

Leave a Reply