Isang makabuluhan at puno ng malasakit na aktibidad ang isinagawa ng PNP OLC Foundation Incorporated nitong Hunyo 4, 2026 sa Police Regional Office 5, sa pangunguna ng National Adviser na si Mary Rose O. Nartatez, bilang bahagi ng kanilang programang “LAB in Action” na may temang “Offering Love and Care to Every PNP Family.”
Sa naturang pagbisita, personal na nakipag-ugnayan at nakihalubilo si Mrs. Nartatez sa pitong batang iskolar ng PRO5 Tanglaw Diwa Program, na pinagkalooban ng school supplies at grocery items upang makatulong sa kanilang pag-aaral at pang-araw-araw na pangangailangan.
Bilang pagpapakita ng patuloy na suporta sa kapakanan ng mga miyembro ng kapulisan at kanilang pamilya, namahagi rin ang OLCFI ng iba’t ibang medical equipment, kabilang ang BP apparatus at nebulizers, para sa mga personnel mula sa iba’t ibang yunit ng Police Regional Office 5. Bukod dito, nakatanggap ng medical at financial assistance ang 27 personnel na dumaranas ng malulubhang karamdaman.
Mainit namang sinalubong ng Team KASUROG ang delegasyon ng OLCFI sa pangunguna nina PBGen Erosito N. Miranda, Regional Director ng PRO5; Rosalie Miranda, PRO5 OLCFI Adviser; at Teresa L. Bausa, PRO5 OLCFI President.
Ang nasabing gawain ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng OLCFI sa pagsuporta sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa kapakanan ng mga kawani ng PNP at kanilang mga pamilya. Sa pagbibigay ng tulong, pag-asa, at kalinga, lalo nitong pinatitibay ang kultura ng malasakit, pagkakaisa, at serbisyong may puso sa loob ng organisasyon.



