Nanguna ang mga tauhan ng Revitalized-Pulis sa Barangay (R-PSB) Santo Tomas Team 2 sa isinagawang tree planting activity sa Libuganon River, Purok Narra, Barangay Talomo, Santo Tomas, Davao del Norte noong Mayo 30, 2026.
Pinangunahan ang aktibidad ni PCMS Hanival S. Tolentino, Team Leader ng R-PSB Santo Tomas Team 2, sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni Police Lieutenant Colonel Kristopher A. Sabsal, Force Commander ng 2nd Davao del Norte Provincial Mobile Force Company, at sa pakikipag-ugnayan kay Police Major Eduardo J. Corpuz, Officer-In-Charge ng Santo Tomas Municipal Police Station.
Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Santo Tomas sa pamumuno ni Hon. Roland S. Dejesica, Municipal Mayor, kasama ang mga opisyal at kawani ng munisipyo, mga opisyal ng Barangay Talomo, at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK) Council.
Nagtanim ang mga kalahok ng 100 punla ng pine tree bilang bahagi ng sama-samang adhikain na mapangalagaan ang kalikasan.
Nabatid na ang mga punla ay personal na ipinagkaloob ng Municipal Mayor at ng Municipal Vice Mayor bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa mga programang pangkapaligiran at pangkaunlaran ng komunidad.
Ipinakita ng R-PSB Santo Tomas Team 2 ang kanilang patuloy na pakikiisa sa mga gawaing pangkomunidad na hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kundi maging sa pagsusulong ng mga programang nagtataguyod ng pangangalaga sa kalikasan at pagpapaunlad ng ugnayan sa mamamayan.
Layunin ng aktibidad na mapalakas ang kamalayan ng komunidad sa kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran, makatulong sa proteksyon ng pampang ng ilog laban sa pagguho, makapag-ambag sa mga hakbang laban sa climate change, at higit pang mapatatag ang pagtutulungan ng PNP, lokal na pamahalaan, at mamamayan tungo sa isang ligtas, malinis, at luntiang komunidad.



