Nasakote ang tatlong indibidwal na nagresulta sa pagkakakumpiska ng nasa Php700,400 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang joint buy-bust operation sa Purok Bagong Silang, Brgy. Saliao, Esperanza, Sultan Kudarat, dakong 5:30 ng umaga noong Hunyo 1, 2026.
Kinilala ni Police Captain Jeffrey T Lazaro, Officer-In-Charge ng Esperanza Municipal Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Ran”, 41 anyos, driver, residente ng Koronadal City; alyas “Jo”, 32 anyos, driver, residente ng General Santos City; at alyas “Ton”, 27 anyos, walang trabaho at residente ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur.
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng mga tauhan ng Municipal Drug Enforcement Unit ng Esperanza MPS, 1202nd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 12 at 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company.
Sa operasyon, nakumpiska mula kay alyas “Ran” ang isang sachet ng hinihinalang shabu na ginamit bilang buy-bust item at isa pang malaking sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 52 gramo, buy-bust money, isang pouch, at isang cellular phone.
Mula naman kay alyas “Jo”, nasamsam ang isang malaking sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang 50 gramo, isang sling bag, identification card, at isang Mitsubishi Mirage na kulay metallic gray.
Samantala, isang maliit na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang isang gramo ang narekober mula kay alyas “Ton”, kasama ang isang pouch.
Sa kabuuan, umabot sa tinatayang 103 gramo ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa operasyon na may Standard Drug Price na humigit-kumulang Php700,400.
Patuloy ang PNP sa pagsugpo sa iligal na droga na sumisira sa magandang kinabukasan ng ating mga kabataan na naaayon sa mantra nn PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



