Isang makabuluhang seremonya ng Retirement Honors ang iginawad kay PLtGen Edgar Alan O. Okubo, Deputy Chief PNP for Operations (TDCO), sa ginanap na programa sa Masigasig Grandstand ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region sa Camp Major Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet noong Mayo 21, 2026. Ang naturang okasyon ay naging pagkilala sa mahigit tatlong dekadang tapat at makabayang paglilingkod ni PLtGen Okubo sa hanay ng Philippine National Police.
Pinangunahan ni PLtGen Bernard M. Banac, Acting Deputy Chief PNP for Administration (TDCA), ang seremonya bilang pagbibigay-pugay sa pambihirang karera at dedikasyon ng opisyal na naglaan ng mahigit 36 na taon ng walang pag-iimbot na serbisyo para sa kapayapaan at kaayusan ng bansa. Dumalo rin sa okasyon ang mga miyembro ng PRO CAR Command Group, Regional Staff, Chiefs of Regional Support Units, iba pang key officers, TDCO personnel, at mga mahal sa buhay ng retiradong heneral.
Mainit na sinalubong si PLtGen Okubo sa kanyang pagdating sa pamunuan ng PRO CAR sa pangunguna ni PBGen Ericson D. Dilag. Bilang pagpupugay sa isang ipinagmamalaking “kailyan,” sinabayan ang kanyang pagtanggap ng tradisyonal na tugtog ng gong at katutubong sayaw mula sa PRO CAR Cultural Dancers, na lalong nagbigay-dangal at kulay sa makasaysayang selebrasyon ng kanyang pagreretiro.
Bilang tampok ng programa, ginawaran si PLtGen Okubo ng iba’t ibang prestihiyosong pagkilala kabilang ang Medalya ng Katapatan, Medalya ng Pambihirang Paglilingkod, Medalya ng Paglilingkod, Command Saber, Gallery of Awards, at iba pang alaala bilang simbolo ng kanyang natatanging ambag sa organisasyon.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag si PLtGen Okubo ng taos-pusong pasasalamat sa kanyang pamilya, mga mentor, at kasamahan na naging bahagi ng kanyang paglalakbay sa serbisyo publiko. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mabuting pamumuno at paggabay sa mga nakababatang pulis upang manatiling matuwid, marangal, at makatao ang hanay ng kapulisan. Aniya, “True leadership means moving away from the mindset of do what I say, not what I do.”
Nagtapos ng seremonya nang basahin ni PBGen Aarne V. Oliquiano ang retirement order at pangunahan ni PEMS Marlon I. Layno ng SAF ang ceremonial casing ng personal na watawat ni PLtGen Okubo. Pormal din niyang iniabot ang kanyang PNP Badge kay PLtGen Banac, hudyat ng pagtatapos ng kanyang matagumpay at marangal na karera sa Philippine National Police—isang buhay-serbisyong sumasalamin sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



