Isinagawa ng pamunuan ng Sultan Kudarat Police Provincial Office ang Turn-over of Office Ceremony noong Mayo 21, 2026 sa harap ng New Sultan Kudarat PPO Admin Building, Camp Colonel Amando M. Dumlao Sr., Isulan, Sultan Kudarat.
Pinangunahan ni Police Brigadier General Arnold P. Ardiente, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang nasabing seremonya bilang hudyat ng pormal na pagpapasa ng pamumuno mula kay Outgoing Provincial Director na si Police Colonel Bernard L. Lao patungo kay Police Colonel Marvin A. Fontalva bilang bagong Acting Provincial Director ng Suotan Kudarat PPO.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni PBGen Ardiente, ang dedikasyon at mahalagang ambag ni PCol Lao sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Provincial Director. Kinilala rin nito ang ipinakitang kahusayan sa pamumuno, pagpapatupad ng mga operasyon laban sa kriminalidad, at pagpapatibay ng ugnayan sa komunidad para sa kapakanan ng mamamayan.
Samantala, sa inaugural speech ni PCol Fontalva, nagpapasalamat ito sa tiwala at kumpiyansang ipinagkaloob sa kanya ng pamunuan ng PNP bilang bagong Acting Provincial Director ng SKPPO. Binigyang-diin niya ang kanyang layunin na higit pang paigtingin ang kampanya laban sa kriminalidad, palakasin ang mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko, at pagtibayin ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units, partner agencies, at iba’t ibang sektor ng komunidad.
Dinaluhan ang seremonya ng iba’t ibang opisyal mula sa pamahalaan, law enforcement sector, media, at partner agencies, kabilang sina Mr. Gregorio N. Cuevas Jr. at Mr. Pax Ali S. Mangudadatu, na kinatawan ni Mr. Kaharudin G. Dalaten, Chief of Staff ng Office of the Provincial Governor, gayundin ang mga alkalde at iba pang kinatawan mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.



