2nd CPMFC, nagsagawa ng Summer Olympics 2026 Culmination, Blessing of Facilities at PROJECT INVINCIBLE; Pinalakas ang serbisyo publiko at ugnayan sa komunidad

0
109

Ipinamalas ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (CPMFC) ang patuloy nitong dedikasyon sa mahusay at makataong serbisyo publiko sa isinagawang “Summer Olympics 2026 Summing-Up Activity, Blessing of Newly Constructed and Installed Facilities, and Launching of PROJECT INVINCIBLE” noong Mayo 19, 2026.

Pinangunahan ni PLtCol Sherwin F. Cuntapay, Deputy Provincial Director for Administration at kinatawan ni Provincial Director PCol Mardito G. Anguluan, ang programa bilang panauhing pandangal at tagapagsalita. Dumalo rin si PMaj Abdel Aziz Maximo, Force Commander ng 1st CPMFC, bilang suporta sa makabuluhang gawain ng yunit na naglalayong palakasin ang samahan at propesyonalismo ng mga tauhan.

Naging makahulugan din ang programa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng salita ng Diyos ni Pastor Joel G. Butay ng MBK-LC at sa basbas na isinagawa ni Rev. Fr. Juan Libangan Jr. para sa mga bagong pasilidad ng 2nd CPMFC. Ang mga bagong imprastraktura ay inaasahang higit pang magpapabuti sa kakayahan ng yunit sa pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad at pagpapanatili ng kaayusan.

Kabilang sa mga tampok ng aktibidad ang pagkilala sa mga natatanging yunit at tauhan ng 2nd CPMFC. Ginawaran bilang Best Platoon para sa buwan ng Abril ang 1st Mobile Force Platoon, habang kinilala sina PMSg Maddie Q. Semana bilang Best Operations PNCO at PCpl Mariz T. Galera bilang Best Administration PNCO. Pinarangalan din ang Composite Team o QRT and Intel Operatives sa pangunguna ni PMaj Ignacio Djun N. Dinulong Jr. matapos itong tanghaling Overall Champion sa katatapos na Summer Olympics 2026.

Opisyal ding inilunsad sa aktibidad ang PROJECT INVINCIBLE, isang programang nakatuon sa pagbibigay ng pag-asa, disiplina, at pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa komunidad at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Nagpasalamat din ang 2nd CPMFC kina G. at Gng. Oscar Paclibon, G. Jonathan Yacas, at G. Gilbert Ryan Chan sa kanilang mahalagang ambag sa pagpapatayo at pagpapaganda ng mga bagong pasilidad ng yunit.

Ang matagumpay na aktibidad ay sumasalamin sa layunin ng kapulisan na higit pang paigtingin ang serbisyo para sa mamamayan alinsunod sa adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”

Leave a Reply