“Pailaw ng Pulis” at Outreach Program, matagumpay na isinagawa sa Solsona, Ilocos Norte

0
306

Matagumpay na isinagawa ng mga tauhan ng 103rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 1 (103rd MC, RMFB1) sa pangunguna ni PCpt Johnny G. Fata-ek, Acting Company Commander, ang turnover ng programang “Pailaw ng Pulis” kasabay ng isang malawakang outreach program sa Brgy. Catangraran, Solsona, Ilocos Norte noong Mayo 16, 2026.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng mga personnel ng 103rd MC, RMFB1, kinatawan ng Lokal na Pamahalaan ng Solsona sa pangunguna ni Hon. Joseph E. De Lara, Municipal Mayor ng Solsona. Nagbigay rin ng suporta si Hon. Benigno D.L. Aquino, Municipal Councilor ng Solsona at isa sa mga stakeholder ng programa, kasama ang Solsona Municipal Police Station (MPS), Bureau of Fire Protection (BFP), AFP counterpart, at Rural Health Unit (RHU) ng Solsona.

Layunin ng programa na makapaghatid ng serbisyo at tulong sa komunidad bilang bahagi ng pagpapalakas ng ugnayan ng kapulisan at mamamayan. Tampok sa isinagawang outreach activity ang libreng gupit, pamimigay ng school supplies, electric fan, at grocery packs sa mga residente. Namahagi rin ng apat na wheelchair sa piling benepisyaryo upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Nagkaroon din ng feeding program at medical mission na pinakinabangan ng mga residente ng barangay, partikular ng mga kabataan at matatanda.

Bilang bahagi naman ng information and awareness campaign, nagsagawa ng mga makabuluhang lecture hinggil sa Anti-Violence Against Women and Their Children (A-VAWC), Fire Prevention and Safety Tips, Anti-Terrorism, at Anti-Criminality Awareness. Layunin nitong mapalawak ang kaalaman ng mamamayan at hikayatin silang maging aktibong katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

Sa pamamagitan ng nasabing aktibidad, muling ipinakita ng Philippine National Police at ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kanilang dedikasyon sa pagbibigay-serbisyo publiko at pagsusulong ng isang ligtas, handa, at matatag na pamayanan.

Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan

Source: 103rd RMFB1

Leave a Reply