Pormal na isinagawa ng Pangasinan Police Provincial Office (Pangasinan PPO) ang Assumption of Command Ceremony para sa bagong talagang Officer-In-Charge na si PCol Dennis L. De Leon noong Mayo 16, 2026 sa Magilas Multi-Purpose Hall, Camp Gov. Antonio U. Sison, Lingayen, Pangasinan.
Pinangunahan ang seremonya ni PBGen Jovencio S. Badua Jr., Acting Regional Director ng Police Regional Office 1, kasama ang mga opisyal ng kapulisan, PNP personnel, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, at iba pang panauhing pandangal.
Sa assumption remarks ni PCol De Leon, ipinahayag niya ang kanyang dedikasyon na ipagpatuloy ang pagpapalakas ng peace and order initiatives, pagpapaigting ng police visibility, at pagpapatibay ng ugnayan ng kapulisan at komunidad sa buong lalawigan ng Pangasinan.
Isinagawa rin ang simbolikong turnover of command at property book na pinangunahan ni PBGen Badua bilang pormal na paglilipat ng pamumuno at responsibilidad sa loob ng provincial police office.
Sa mensahe ni PBGen Badua, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng integridad, disiplina, at mahusay na pamumuno upang mapanatili ang tiwala at suporta ng publiko sa Philippine National Police.
Samantala, ipinahayag naman ni Governor Ramon V. Guico III sa pamamagitan ni Provincial Administrator Manuel O. Luis Jr. ang buong suporta at kumpiyansa ng pamahalaang panlalawigan sa bagong liderato ng Pangasinan PPO, kasabay ng muling pagpapatibay ng matatag na pakikipagtulungan sa PNP para sa kaligtasan at seguridad ng mamamayan.
Panulat Ni PMSg Carmela G Danguecan
Source: Pangasinan PPO



