Muling pinatunayan ng magkatuwang na puwersa ng kapulisan at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kanilang matatag na kampanya laban sa ilegal na droga matapos maaresto ang tatlong hinihinalang High-Value Individual (HVI) at makumpiska ang tinatayang Php6.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Masinadyahon, Barangay 24, Bacolod City noong Sabado ng umaga, Mayo 16, 2026.
Kinilala ang mga naarestong suspek sa kanilang mga alyas na “Rolly,” 23; “Gabrielle,” 23; at “Alex,” 19, na pawang residente ng Barangay 4, Bacolod City.
Narekober mula sa mga ito ang humigit-kumulang isang kilo ng hinihinalang shabu, buy-bust money, mga cellular phone, at isang pulang Toyota Vios na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na aktibidad.
Naging matagumpay ang operasyon sa pamamagitan ng matibay na koordinasyon at pagtutulungan ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office–Negros Island Region; Negros Occidental Provincial Office, Intelligence and Investigation Service, Special Investigation Unit; at ng Philippine National Police Drug Enforcement Group, Special Operations Unit–Negros Island Region.
Ipinapakita ng matagumpay na operasyong ito ang patuloy na dedikasyon ng PNP at iba pang sektor ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad, gayundin ang kanilang layuning sugpuin ang pagkalat ng ilegal na droga na sumisira sa kinabukasan ng mamamayan lalo na ng kabataan.
Kaakibat nito ang patuloy na pagsusulong ng adhikain ng kapulisan na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” bilang patunay ng kanilang mas pinaigting na serbisyo publiko at mas matatag na kampanya laban sa kriminalidad at ilegal na droga.
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos



