Tree Planting Activity, isinagawa ng Silay PNP sa Negros Occidental

0
1025

Muling pinatunayan ng Philippine National Police ang kanilang malasakit hindi lamang sa kapayapaan at kaayusan kundi pati na rin sa pangangalaga ng kalikasan sa isinagawang tree-planting activity ng Silay Component City Police Station (CCPS) sa Brgy. Patag nitong ika-9 ng Mayo 2026.

Sa pangunguna ni PLtCol Edison N. Garcia, Chief of Police, matagumpay na naisagawa ang nasabing aktibidad katuwang ang mga miyembro ng Kanlaon Lodge No. 64 at mga estudyante ng Carl E. Balita Review Center.

Sama-samang nagtanim ang mga kalahok ng kabuuang 50 punla ng narra, isang simbolo ng katatagan at pag-asa, bilang ambag sa patuloy na pagsusulong ng reforestation at sa kampanya ng pamahalaan kontra climate change.

Hindi lamang ito simpleng pagtatanim ng puno, kundi isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapalalim ng kamalayan ng komunidad hinggil sa kahalagahan ng pangangalaga sa likas na yaman.

 Alinsunod sa hangarin ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” mas pinatunayan pa ng Silay CCPS na ang tunay na serbisyo publiko ay hindi nagtatapos sa pagpapatupad ng batas, kundi umaabot hanggang sa pag-aaruga sa kalikasan para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.

Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatibo, patuloy na nagiging huwaran ang PNP sa pagtataguyod ng “whole-of-nation approach,” kung saan ang bawat sektor ay nagkakaisa para sa isang mas ligtas, mas luntian, at mas maunlad na kinabukasan.

Writer: Pat Andrea Dominique Depalubos

Leave a Reply