Halos Php5.8-M halaga ng marijuana, nasamsam sa malawakang anti-drug op ng Benguet PPO

0
313

Nagtagumpay ang Benguet Police Provincial Office sa malawakang kampanya kontra ilegal na droga matapos mabunot at masunog ang tinatayang nasa halos Php5.8 milyong halaga ng marijuana sa serye ng operasyon sa lalawigan ng Benguet noong Mayo 9 hanggang 10, 2026. Bahagi ito ng pinaigting na pagpapatupad ng Oplan Ultimate Grasscutter 2026 ng Philippine National Police.

Personal na pinangunahan ni PCol Ledon D. Monte, Deputy Regional Director for Operations ng Police Regional Office Cordillera (PRO-CAR), ang operasyon sa mga bayan ng Atok, Bakun, Kapangan, at Kibungan katuwang ang iba’t ibang yunit ng PNP, PDEA, at NBI. Bunga ng koordinadong aksyon, nadiskubre at nawasak ang kabuuang 28,800 fully grown marijuana plants at 950 marijuana seedlings.

Pinakamalaking operasyon ang isinagawa sa Kibungan kung saan umabot sa 25,200 fully grown marijuana plants na may tinatayang halagang Php5.04 milyon ang winasak sa communal forest ng Sitio Balbalnag, Badeo. Nagkaisa sa operasyon ang iba’t ibang law enforcement units gaya ng Benguet Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Benguet Provincial Intelligence Unit (PIU), PDEA RO1-LUPO, PNP DEG SOU CAR, NBI CAR, Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) CAR, Benguet 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), RIU 14-PIT Benguet, at Kibungan Municipal Police Station (MPS) upang tiyakin ang tuluyang pagpuksa sa iligal na taniman ng marijuana sa lugar.

Sa Kapangan naman, matagumpay na nabunot ng pinagsanib na puwersa ng Kapangan MPS, Benguet 2nd PMFC, Benguet PDEU, Benguet PIU, PIT Benguet, RIU 14, RMFB 15, and PDEA CAR ang 900 marijuana seedlings na nagkakahalaga ng Php36,000 sa Sitio Ambalading, Pudong. Ipinakita ng operasyon ang matatag na koordinasyon ng mga awtoridad laban sa iligal na droga sa rehiyon.

Sunod-sunod ding operasyon ang isinagawa sa Bakun kung saan umabot sa 3,600 fully grown marijuana plants ang nawasak sa iba’t ibang sitio sa Barangay Kayapa. Sa follow-up operation noong Mayo 10, nadiskubre pa ang panibagong plantation site sa Sitio Silam na nagresulta sa pagkabunot ng karagdagang 1,500 marijuana plants na tinatayang nagkakahalaga ng Php300,000.

Sa bayan naman ng Atok, matagumpay na natunton ng mga operatiba ang 50 marijuana seedlings sa isang communal forest sa Barangay Cattubo. Lahat ng nakumpiskang marijuana plants ay agad na binunot at sinunog sa lugar matapos ang wastong dokumentasyon habang ang mga sample ay isinailalim sa pagsusuri ng RFU-CAR.

Patuloy namang pinaiigting ng Philippine National Police at Benguet PPO ang kampanya kontra iligal na droga upang mapanatili ang ligtas at mapayapang komunidad sa Cordillera. Pinatunayan ng matagumpay na operasyon ang dedikasyon ng kapulisan sa adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”

Source: PNP Benguet PPO

Leave a Reply