PNP, kinondena ang pananakit ng ilang mga raliyista sa kapulisan kasabay ng Labor Day Rally

0
370

Mariing kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang tahasang pananakit ng ilang mga raliyista sa mga kapulisang itinalaga para itaguyod ang kapayapaan at kaayusan sa mga demonstrasyon na isinagawa alinsunod sa selebrasyon ng Araw ng mga Manggagawa kahapon lamang, May 1, 2026.

Kinumpirma ng PNP na mayroong pitong pulis ang naiulat na nasugatan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa idinaos na Labor Day protest sa Kalaw Avenue, Ermita, Manila, matapos umanong naging agresibo ang ilang mga raliyista sa mga nakatalagang pulis.

Ayon sa inisyal na ulat, ang nasabing mga pulis ay nasa Civil Disturbance Management (CDM) formation na mahigpit na tumatalima sa principle of maximum tolerance at propisyunalismo lamang nang biglang pag-aatakihin ng mga demonstrador na nagresulta pa umano sa mga physical assault at pagnanakaw sa ilang mga personal na kagamitan ng ilang mga tauhan.

Kasalukuyan namang nagpapagaling ang lahat ng mga sugatang pulis sa PNP General Hospital. Isinailalim naman ang isa pang tauhan sa masusing obserbasyon habang hinihintay pa ang resulta ng CT Scan.

Binigyang-diin naman ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., na ang pagpipigil at pagiging mahinahon ng buong hanay ay hindi kahinaan.

Aniya, “Malinaw ang direktiba ko—maximum tolerance, oo, pero hindi kailanman pahihintulutan na saktan o lapastanganin ang ating mga pulis habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Hindi ito katanggap-tanggap.”

“Iginagalang natin ang karapatan ng bawat isa na magpahayag. Pero kapag may pananakit, pananakot, o pagkuha ng hindi sa inyo, may katapat itong pananagutan. Hindi natin ito palalampasin,” dagdag pa niya.

Patuloy namang biniberipika ng pamunuan ang lahat ng mga naganap sa nasabing insidente para sa pagsampa ng mga nararapat na reklamo laban sa lahat ng mga sangkot nito.

Sa kabila nito, buong puwersa namang tiniyak ng PNP ang seguridad at kaligtasan ng publiko sa nasabing selebrasyon alinsunod sa kanilang iisang layunin na Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.

Leave a Reply