Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na wala umanong service interruption sa lahat ng mga opisina nito sa kabila ng isyu ng electric power shortage sa iba’t ibang mga probinsya sa buong bansa.
Ayon pa ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., inatasan na niya ang lahat ng mga regional at provincial directors na tiyakin ang kanilang kahandaan sa paghahatid ng kani-kanilang mga serbisyo sa kabila ng abiso ng National Power Corporation (Napocor) kaugnay sa ipapatupad na mga rotational brownouts alinsunod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
“Our priority is operational readiness, that’s why I have directed all regional and provincial directors to maximize their fuel reserves and ensure that backup power systems are functional,” saad pa ni PGen Nartatez.
Upang maiwasan pa ang anumang pangamba sa seguridad, nagbigay na rin ng direktiba si PGen Nartatez para sa lahat ng mga local commanders na tiyakin ang kanilang mga generator sets na nasa maayos na kondisyon. Dapat din umanong mayroong mga backup power ang lahat ng mga emergency hotlines at command systems ng pulisya upang maiwasan ang anumang aberya sa kanilang operasyon.
“We have contingency measures in place. Our patrol operations continue and we will adjust deployment schedules, use mobile lighting, and ensure communication lines remain active for continuous response,” paliwanag pa ng hepe.



