Naaresto ng Philippine National Police (PNP) limang indibidwal kabilang ang isang driver at tatlong kababaihan sa isinakatuparang buy-bust operation sa isang subdivision sa Brgy. San Francisco Gen Trias City, Cavite kamakailan lamang.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Bismark S Mendoza, hepe ng General Trias Component City Police Station, ang mga suspek na sina alyas Niel, 43 anyos, driver, residente ng Brgy Mambog Bacoor City; alyas Kim, 37 anyos, residente ng Bel Aldea Subdivision, Brgy San Francisco, General Trias; alyas “Jane,” 35- anyos ng Brgy Mambog 2, Bacoor; alyas “Lyndon,” 41-anyos, mekaniko, residente ng Bel Aldea Subdivision, Brgy. San Francisco, General Trias; at alyas “Angie,” 23-anyos.
Batay sa ulat ng pulisya, alas-10:45 ng gabi nang ikinasa ng Gen. Trias CCPS ang isang buy-bust sa nasabing lugar na naresulta sa pagkakumpiska mula sa mga suspek ang 10 medium-sized na plastic sachet at isang knot-tied na transparent na plastic bag na naglalaman ng mga shabu.
Sa kabuuan, mahigit kumulang sa 100 gramo ng shabu ang nakumpiska ng mga operatiba mula sa nasabing mga indibidwal. Narekober din sa kanila ang isang Cal.45 pistol na walang serial number; 1 Cal.45 magazine; 13 bala ng Cal.45; at isang Cal.45 holster, kasama na ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Bahagi ang operasyon sa patuloy na pagpapaigting ng Gen Trias CCPS sa lahat ng kanilang kampanya kontra kriminalidad, partikular na sa pagsugpo sa ilegal na droga at pag-aresto sa lahat ng mga sangkot nito sa lungsod.



