Nagbabala ang Philippine National Police laban sa pagpapakalat ng mga video na gumagamit ng artificial intelligence (AI) upang manipulahin ang imahe ng mga pulis at magmukhang tunay ang mga insidente.
Ayon sa pamunuan ng PNP, ang mga AI-generated na content ay sadyang idinisenyo upang magmukhang makatotohanan at madaling makapanlinlang sa publiko. Binigyang-diin din na hindi lamang kapulisan ang target ng ganitong uri ng manipulasyon, kundi maging iba pang indibidwal at institusyon.
Dahil dito, hinikayat nila ang publiko na maging mapanuri at tiyaking beripikado ang impormasyon bago ito paniwalaan o ibahagi sa social media. “We urge the public to verify information from official sources and think twice before sharing. Your cooperation helps protect the integrity of the police and the safety of our communities,” pahayag ng ahensya.
Kaugnay nito, naglabas ng public advisory ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) kung saan ipinakita ang isang halimbawa ng umano’y AI-generated video na nagpapakita ng isang pulis na nagwawala sa mga empleyado ng isang fast-food restaurant, isang insidenteng hindi naman totoong nangyari.
Tiniyak ng PNP na patuloy na mino-monitor ng ACG ang social media upang matukoy ang pinagmulan ng mga ganitong video. Sa sandaling matunton ang mga responsable, agad silang sasampahan ng kaukulang kaso bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa maling impormasyon at upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa kapulisan.



