PNP, pinalalakas ang information drive laban sa puslit na sigarilyo; Sari-Sari Stores, tututukan

0
288

Naglabas ng direktiba si PGen Jose Melencio Nartatez Jr., hepe ng Philippine National Police (PNP), sa lahat ng hepe ng pulisya sa buong bansa upang paigtingin ang information drive laban sa pagbebenta ng smuggled at iligal na mga sigarilyo. Inatasan ang mga ito na makipag-ugnayan nang mas mahigpit sa mga lokal na pamahalaan at opisyal ng barangay upang maipaliwanag sa komunidad ang masamang epekto at pananagutan sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na produktong tabako.

Ayon sa PNP Chief, nakatuon ang kampanya sa mga maliliit na retailer, partikular ang mga may-ari ng sari-sari store. Binigyang-diin niya na kailangang maunawaan ng mga tindero at tindera na nagiging kasangkapan sila sa smuggling at ilegal na pagmamanupaktura ng sigarilyo kapag pumapayag silang magbenta nito, at may kaakibat itong mabigat na parusa sa ilalim ng batas.

Aniya, “We have to make sari-sari store owners fully understand that they are becoming enablers of smuggling and illegal manufacture of the cigarettes the moment they agree to sell them to their customers, and there are legal consequences in doing that.”

Sa ilalim ng pinaigting na information drive, tutukuyin din ng mga pulis ang mga brand ng smuggled at pekeng sigarilyo na umiikot sa mga komunidad. Layunin nitong mabigyan ng sapat na kaalaman ang publiko upang maiwasan ang pagbili at pagbebenta ng mga ilegal na produkto na nakapipinsala sa ekonomiya at nagdudulot ng malaking kawalan sa kita ng pamahalaan.

Nagbabala rin si Interior Secretary and Local Government Jonvic Remulla na magsasagawa na ng mga raid sa mga pampublikong pamilihan at maliliit na tindahan bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan. Binigyan ang mga retailer ng isang linggo upang itigil ang distribusyon at maubos ang kanilang iligal na suplay, at nilinaw na mananagot hindi lamang ang mga manufacturer kundi maging ang maliliit na distributor at nagbebenta sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Samantala, pinuri ng PNP chief ang matagumpay na operasyon ng Police Regional Office 7 sa Cebu City noong Pebrero 19 kung saan nakumpiska ang mahigit 100,000 pakete ng iligal na sigarilyo na nagkakahalaga ng higit Php138 milyon. Ang mga nasabat na produkto ay naitala at pansamantalang inilagak sa kustodiya ng Bureau of Internal Revenue para sa wastong proseso.

Sa hiwalay na operasyon noong Pebrero 19, umabot naman sa Php200 milyong halaga ng iligal na sigarilyo ang nasamsam sa isang bodega sa Barangay Sahud-Ulan, Tanza. Natuklasan ng mga awtoridad na ang bodega na idineklarang imbakan ng de-lata ay ginagamit pala sa pagmamanupaktura, pag-iimbak, at distribusyon ng pekeng produktong tabako.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang PNP sa Bureau of Customs at iba pang ahensya para sa agarang disposisyon ng bilyong pisong halaga ng nakumpiskang sigarilyo. Hinikayat din ng PNP ang publiko na maging “mata at tainga” ng pamahalaan at agad mag-ulat sa pamamagitan ng 911 hotline, kasabay ng pagtiyak na mananatiling kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng mga magrereklamo.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, mas pinalalakas ng PNP ang kampanya laban sa smuggling at iligal na kalakalan ng sigarilyo upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko at kapayapaan sa buong bansa.

Source: https://www.abs-cbn.com/news/nation/2026/2/23/pnp-orders-info-drive-vs-smuggled-cigarettes-to-focus-on-sari-sari-stores-1129