Pinakilos na ng Philippine National Police (PNP) ang 13,448 na tauhan sa buong bansa upang tiyakin ang seguridad sa gaganaping “Trillion Peso March” sa Pebrero 25, 2026, kasabay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Sa pamumuno ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., PNP Chief. Layunin ng PNP na mapanatiling mapayapa, maayos, at ligtas ang paggunita sa mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Simula alas-5:00 ng hapon noong Pebrero 21, inilagay sa Full Alert Status ang lahat ng yunit ng National Capital Region Police Office (NCRPO). Ibig sabihin nito ay nakahanda ang mga pulis bago, habang, at pagkatapos ng aktibidad upang matiyak ang mabilis na responde at maayos na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya.
Inaprubahan ng Quezon City Local Government Unit ang pagdaraos ng rally sa White Plains Avenue, Quezon City. Ang pagtitipon ay pangungunahan ng mga grupong Tindig Pilipinas, SIKLAB, at Trillion Peso March Movement. Wala nang ibang permit na inisyu para sa naturang lugar at petsa, kaya’t mas magiging maayos ang pagbabantay at pamamahala sa seguridad.
Bilang bahagi ng malawak na plano, nagtalaga ng 3,657 Civil Disturbance Management personnel sa mismong lugar, katuwang ang libu-libong augmentation at standby forces. Naglatag din ng 386 checkpoints at 322 border control points upang mapigilan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na gamit at masasamang elemento na maaaring manggulo sa pagtitipon.
Nakaantabay rin ang 501 Quick Reaction Teams, kabilang ang SWAT at EOD/K9 units, pati na ang daan-daang traffic at route security teams para matiyak ang maayos na daloy ng sasakyan at kaligtasan ng mga dadalo. Mayroon ding mga medical teams, mobile patrol units, at covert security personnel upang agarang tumugon sa anumang insidente at mapanatili ang kaayusan.
Binigyang-diin ni PGen Nartatez na ang malawak na deployment ay para sa pag-iingat at hindi pagpapakita ng puwersa. Aniya, iginagalang ng kapulisan ang karapatan ng mamamayan na magtipon, kasabay ng kanilang tungkulin na tiyaking walang masasaktan at walang manggugulo.
“Ang layunin natin dito ay ang panatilihing mapayapa, maayos, at ligtas ang paggunita sa isang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan. We respect the people’s right to assemble. Kasabay nito, tungkulin naming tiyakin na walang masasaktan at walang manggugulo,” ani PGen Nartatez.
Sa paggunita ng bansa sa makasaysayang araw na ito, muling pinagtibay ng PNP ang pangakong disiplinado, propesyonal, at makatao sa paglilingkod sa bawat Pilipino.



