Naiwang bag ng dayuhan, natunton at naisauli ng pulis

0
315

Sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, Philippine National Police (PNP), patuloy na itinataguyod ng PNP ang serbisyong hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas kundi sa tunay na malasakit sa kapwa. Sa bawat pagkakataon, ipinapakita ng kapulisan na ang kanilang tungkulin ay may kasamang puso, isang serbisyong sumasalamin sa likas na pagiging magiliw at maasikaso ng Pilipino.

Kamakailan, isang dayuhang pasaherong patungong Clark, Pampanga ang hindi namalayang naiwan ang kanyang backpack sa overhead shelf ng sinakyang bus matapos bumaba sa Naga Airport Road. Sa halip na hayaang mauwi sa abala at pangamba ang insidente, agad na kumilos ang mga tauhan ng Aviation Security and EOD Canine Unit (AVSECU) upang matulungan ang pasahero.

Sa maayos na koordinasyon at mabilis na pag-aksyon, natunton at matagumpay na naibalik ang backpack sa may-ari nito. Labis ang pasasalamat ng dayuhan at ng kanyang asawa sa ipinakitang kabutihan ng mga pulis, na anila’y malinaw na patunay ng mainit na pagtanggap at malasakit na kanilang naranasan sa Pilipinas.

Ayon kay PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief PNP, ang ganitong uri ng pagkilos ay nagpapakita hindi lamang ng propesyonalismo kundi ng likas na pagiging magiliw at maasikaso ng Pilipino.

“Ang pagtulong ay hindi dapat pinipili. Mapa-Pilipino man o dayuhan, kapag may nangangailangan, nariyan ang ating kapulisan. Ipinapakita natin na sa Pilipinas, may pulis na maaasahan at handang tumulong,” pahayag ni PGen Nartatez.

Binigyang-diin din niya na ang insidenteng ito ay kaakibat ng PNP Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, kung saan pinapalakas ang kahusayan sa trabaho kasabay ng makatao at maayos na pakikitungo sa bawat mamamayan at panauhin ng bansa.

Sa huli, ang simpleng pagbabalik ng isang bag ay naging malinaw na mensahe: ang tunay na serbisyo ay nararamdaman. Ito ang patuloy na isinusulong ng pambansang kapulisan—Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.

(PNP-PIO)