PNP Chief Nartatez, ipinagmalaki ang mga tagumpay sa operasyon at pandaigdigang parangal; Iginiit ang disiplina at kahandaan sa EDSA 40

0
566

Nagbigay ng malinaw at matatag na mensahe si PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Hepe ng Philippine National Police, sa isinagawang Flag Raising Ceremony nitong Lunes, Pebrero 23, 2026. Binigyang-diin niya ang patuloy na dedikasyon ng mga tauhan sa kanilang tungkulin at serbisyo publiko upang maprotektahan ang mamamayan at mapanatili ang kaayusan sa buong bansa.

Ibinahagi rin ng PNP Chief ang mga matagumpay na operasyon na isinagawa nitong nakaraang linggo, kabilang ang mabilis na paglutas sa isang murder case sa Binondo, Maynila sa pamamagitan ng agarang pag-aresto sa mga suspek. Sa Cebu, nasamsam ang tinatayang Php138 milyong halaga ng smuggled goods, habang sa Mandaue Port ay nabuwag ang isang iligal na operasyon ng langis na nagkakahalaga ng Php20.5 milyon, na nauwi sa pagkakaaresto ng 13 indibidwal.

Hindi rin nagpahuli ang kampanya kontra iligal na droga matapos mahadlangan ang pagpasok ng humigit-kumulang Php133 milyong halaga ng iligal na droga sa NAIA sa loob lamang ng pitong araw. “These are not isolated numbers. These are outcomes. These are results delivered through coordination, intelligence, discipline, and decisive action. This is what professionalism produces,” diin ni PGen Nartatez.

Pinuri rin ng hepe ang Special Action Force ng PNP sa ipinakitang husay sa UAE SWAT Challenge na ginanap mula Pebrero 7 hanggang 11 sa United Arab Emirates. Mula sa ika-25 puwesto noong nakaraang taon, umangat ang koponan sa ika-14 na puwesto ngayong taon—patunay ng masusing paghahanda, disiplina, at walang sawang pagsasanay.

Kabilang din sa binigyang-parangal si Police Major Inar Vic Florece na nagtapos bilang top ng kanyang klase sa International Police Exchange Program sa Abu Dhabi Police College, kung saan tinalo niya ang 51 iba pang international student officers mula sa 35 bansa. “You have demonstrated that Filipino police officers can compete and excel on the global stage. Nakaka-proud kayo,” dagdag pa ni PGen Nartatez.

Gayunman, tahasang kinilala ng PNP Chief na may mga hamong kinahaharap ang organisasyon pagdating sa integridad. “Uulitin ko, the misconduct of a few will never define this organization. But neither will it be tolerated,” babala niya. Binigyang-diin niyang bawat kilos ng isang pulis ay sumasalamin sa buong institusyon.

“Protect the badge. Protect the uniform. Protect the trust of the people,” paalala ni PGen Nartatez, kasabay ng panawagan na panatilihin ang mataas na ethical at professional standards.

Sa harap naman ng inaasahang mga pagtitipon kaugnay ng tinaguriang “Trillion Peso March” kasabay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power ngayong Pebrero 25, tiniyak ni PGen Nartatez na nakahanda na ang deployment ng kapulisan. Pinaalalahanan niya ang mga tauhang ide-deploy na panatilihin ang pagiging disiplinado, neutral, at propesyonal habang binabantayan ang kaayusan at ipinapatupad ang batas. “Remain professional, neutral, and disciplined. Exercise maximum tolerance. Avoid unnecessary confrontation. Do not be provoked,” aniya.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, hinikayat ni PGen Nartatez ang buong hanay na ipagpatuloy ang pagtataguyod ng isang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” bilang patunay ng isang pulisyang may kakayahan, may pananagutan, at tunay na naglilingkod sa bayan.