Tinatayang nasa 131 wanted persons ang matagumpay na naaresto ng Police Regional Office 6 (PRO 6), sa ilalim ng pamumuno ni Police Brigadier General Josefino D Ligan, Regional Director, nito lamang buwan simula February 1-15, 2026.
Ang nasabing mga naaresto ay resulta ng nasa 139 na isinakatuparang coordinated law enforcement operations ng PRO6 sa buong Western Visayas.
Kabilang sa mga naaresto ang nasa 28 Most Wanted Persons, at nasa 103 Other Wanted Persons. Lahat naman ng Top 10 Regional Most Wanted Persons sa Western Visayas ay kabilang din sa mga naaresto sa nasabing kampanya.
Pinangunahan ang naturang kampanya ng Iloilo Police Provincial Office (PPO) na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga naaresto na umabot sa 61 wanted na indibidwal. Ang Iloilo City Police Office naman ay nakapag-aresto ng 26, at 13 naman sa Antique PPO.
“These achievements reflect the commitment and determination of our personnel to ensure that fugitives face justice. PRO 6 remains steadfast in its mission to maintain peace and order and to make Western Visayas a safer place for all,” pagbibigay-pugay pa ni PBGen Ligan sa lahat ng mga operatiba sa PRO6.
Samantala nagpasalamat naman si PBGen Ligan sa mainit na suporta ng publiko sa lahat ng kampanya ng pulisya sa rehiyon. Aniya napakalaking tulong sa PNP ang pagbibigay ng publiko ng mga impormasyon sa pagtunton sa lahat ng mga kriminal na patuloy na nagtatago sa batas.



