Nawawalang dalaga na may learning disability, ligtas na nakauwi sa tulong ng PNP AVSEGROUP

0
371

Isang ina ang humingi ng tulong sa Cotabato Airport Police Station matapos makumpirma na ang kanyang anak na dalagang may learning disability, na naiulat na nawawala mula pa noong Pebrero 6, 2026, ay nakasakay sa isang flight patungong Maynila noong umaga ng Sabado, Pebrero 7, 2026.

Ayon sa ina, nagpaalam lamang ang kanyang anak na bibili sa isang convenience store noong araw na siya ay mawala. Sa kanilang masusing paghahanap, natunton nila sa pamamagitan ng isang Facebook post na ang dalaga ay lulan na ng eroplano patungong Maynila.

Matapos ang agarang pagdulog sa Cotabato APS, mabilis na umaksyon ang mga kapulisan at nakipag-ugnayan sa NAIA Police Station 2 (NPS 2) ng Aviation Security Unit NCR upang masalubong ang dalaga sa oras ng paglapag ng eroplano.

Matagumpay na nabigyan ng kinakailangang tulong at proteksyon ang dalaga at pansamantalang nanatili sa NPS 2 hanggang sa maisakay siya sa isang flight patungong General Santos International Airport, kung saan siya sinalubong ng kanyang mga kaanak.

Lubos ang pasasalamat na ipinaabot ng ina ng dalaga sa PNP AVSEGROUP sa maagap at mahusay na pagtugon ng mga kapulisan na malaki ang naitulong upang maibsan ang kanyang matinding pag-aalala.

Ipinahayag din ni AVSEGROUP Director PBGen Dionisio Bartolome Jr ang kanyang kasiyahan sa ipinamalas na pagtutulungan ng mga kapulisan, at binigyang-diin na, “Our duty is not limited to preventing and solving crime inside the airports. Kabilang dito ang pagtulong sa ating mga kababayan sa abot ng ating makakaya,” aniya.

Ayon sa Cotabato APS, ligtas at maayos nang nakabalik ang dalaga sa piling ng kanyang pamilya sa Cotabato City.

Source: PNP ASG / https://www.facebook.com/share/p/1Ai3sFdpin/