Naaresto ang isang armadong holdaper sa isinagawang hot pursuit operation ng Quezn PNP, ilang minuto lamang matapos mangholdap ng dalawang biktima sa Barangay Arellano, Quezon, Isabela, bandang 4:20 ng hapon, Enero 13, 2026.
Ayon sa ulat ng Quezon Municipal Police Station (MPS), bandang hapon ngayong araw nang mangyari ang insidente habang ang mga biktimang sina alyas “Mary,” 43 taong gulang at si alyas “Jose,” isang Pakistani national, ay bumaba mula sa kanilang sasakyan upang bumili ng mobile phone load. Bigla na lamang silang nilapitan ng isang lalaki na bumunot ng baril, itinapat ito sa biktima, at idineklara ang holdap.
Sapilitang binuksan ng suspek ang sasakyan at tinangay ang bag ng biktima na naglalaman ng isang pares ng gold earrings, pitong libong (7,000) Dirham, dalawang gold bracelets, dalawang Pakistani passports, at isang National Driver’s License, bago tumakas patungo sa hindi pa batid na direksyon.
Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng Quezon MPS katuwang ang Mallig PS, PIU, IPPO, 3rd Platoon, 1st IPMFC, 201st Coy, RMFB2 at nagsagawa ng hot pursuit operation na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto ng suspek dakong 5:15 ng hapon nang nasabing araw. Ang suspek ay nakilalang si alyas “Edmar”, 36 taong gulang, residente ng Tabuk City, Kalinga.
Sa oras ng pagkaaresto ay nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang isang (1) back pack na kulay itim; sari-saring damit; sari-saring mga gamot; Cellphone charger; dalawang (2) piraso na bull cap; tatlong (3) pirasong passport; isang (1) maliit na kartong kulay asul na may isang (1) pares ng hikaw; isang (1) piraso na gold bracelet; isang (1) steel time bracelet at isang (1) unit ng Hyundai accent na kulay itim na may plakang VIY 658.
Habang ang pinaghihinalaang marijuana at baril (hindi pa matukoy na kalibre) ay nasa kustodiya ng Soco Roxas–Mallig Plains Satellite Forensic Office upang isailalim sa laboratory examination.
Sa pahayag ng Acting Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office na si PCol Manuel B Bringas, binigyang-diin niya na ang mabilis na pagkakaaresto sa suspek ay patunay ng kahandaan at dedikasyon ng kapulisan sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Ayon sa kanya, “Ipinapakita ng agarang pagkilos ng ating kapulisan ang pagiging maagap at handa sa anumang banta sa seguridad. Patuloy kaming magsisikap upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanagot ang sinumang lalabag sa batas.”



