Isang indibidwal, arestado ng PNP–Maritime Group sa Iligal na kalakalan ng wildlife sa Makati

0
615

Naaresto ng Philippine National Police–Maritime Group (PNP–MG) ang isang indibidwal na sangkot sa iligal na kalakalan ng wildlife sa harap ng Palm Tower Building, Makati City dakong 8:10 ng gabi noong Enero 11, 2026.

Sa nasabing operasyon, naaresto sa entrapment operation ng mga tauhan ng 3rd Special Operations Unit (3rd SOU) ng PNP–MG ang isang indibidwal na nahuling aktuwal na nagbebenta ng dalawang buhay na Green Cheek Conure, isang wildlife species na saklaw ng proteksyon ng Republic Act 9147 o ”Wildlife Resources Conservation and Protection Act”.

Ang agarang pagkilos ng kapulisan ay patunay ng serbisyong mabilis, isang uri ng aksyong hindi nagbibigay ng puwang sa patuloy na pagsasamantala sa ating likas na yaman.

Ayon sa ulat, ang iligal na pagbebenta ay isinagawa nang walang kaukulang permit mula sa mga awtoridad. Nasamsam mula sa suspek ang mga buhay na wildlife, boodle money, at iba pang ebidensyang ginamit sa operasyon.

Ipinapakita ng operasyong ito ang tapat at patas na pagpapatupad ng batas, walang pinipili at walang kinikilingan na isang mahalagang haligi ng Bagong PNP.

Higit pa sa isang matagumpay na operasyon, ang insidenteng ito ay mensahe ng malasakit—hindi lamang sa batas, kundi sa kalikasan at sa kinabukasan ng susunod na henerasyon. Ang iligal na kalakalan ng wildlife ay hindi lamang paglabag sa batas, kundi banta sa ecological balance at biodiversity ng bansa.

Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Lou F Evangelista, Director, Maritime Group patuloy na pinaaalalahanan ng PNP–MG ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang iligal na panghuhuli, pagbebenta, at pangangalaga ng mga protektadong wildlife species. Hinihikayat din ang mamamayan na maging katuwang ng kapulisan sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng kahina-hinalang aktibidad.

Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay na ang Bagong PNP ay hindi lamang panata, kundi isang serbisyong isinasabuhay—mabilis sa aksyon, tapat sa tungkulin, at tunay na nararamdaman ng mamamayan.