PNP Mountain Province, nagsagawa ng New Year’s Call sa Gobernador ng lalawigan

0
399

Pormal na nagsagawa ng New Year’s Call ang Mountain Province Police Provincial Office (MPPPO), sa pangunguna ni Provincial Director PCol Marcelo B. Polig, kay Governor Bonifacio C. Lacwasan Jr. ngayong araw, Enero 13, 2026, sa Otucan, Bauko.

Kasama sa bisita ang MPPPO Command Group at mga hepe ng iba’t ibang Municipal Police Stations, bilang pagsisimula ng taon at muling pagpapatibay ng hindi matitinag na katapatan ng Pambansang Pulisya sa watawat ng Pilipinas, sa mga halal at lehitimong awtoridad, at sa tungkuling panatilihin ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa lalawigan.

Ang New Year’s Call ay isang matagal nang tradisyon ng PNP na sumasalamin sa disiplina, propesyonalismo, at paggalang sa hanay ng serbisyo, na naglalayong patatagin ang pagkakaisa, camaraderie, at esprit de corps ng mga pulis.

Nagsilbi rin ang okasyon bilang pagkakataon upang higit pang paigtingin ang ugnayan at kooperasyon ng PNP at Pamahalaang Panlalawigan, sa iisang layunin na mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at kaunlaran ng Mountain Province ngayong taon at sa darating pang araw.