Tatlong Provincial Most Wanted Persons, arestado sa magkakahiwalay na operasyon ng Rizal PNP

0
340

Naaresto ng mga tauhan ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) ang tatlong (3) Most Wanted Persons sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa hapon ng ika-6 ng Enero 2026 sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng lalawigan.

Sa Angono, Rizal, dakong alas-6:58 ng gabi, matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Angono Municipal Police Station si alyas “Renz,” 25 taong gulang, Provincial Level Most Wanted Person sa Brgy. Mahabang Parang, Angono, Rizal. Ang pag-aresto ay isinagawa dahil sa bisa ng Warrant of Arrest para sa paglabag sa RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Sa bayan naman ng San Mateo, sa pinagsanib pwersa ng mga tauhan ng San Mateo PNP at Sorsogon Provincial Police Office, matagumpay na naaresto si alyas “Dy”, 35 taong gulang, Rank 1 Municipal Level at Rank 10 Provincial Level Most Wanted Person ng Casiguran, Sorsogon sa Brgy. Silangan, San Mateo, Rizal dakong alas-6:50 ng gabi. Ang suspek ay nahaharap sa dalawang (2) bilang ng Statutory Rape, na walang rekomendadong piyansa.

Samantala, dakong alas-6:15 ng umaga, matagumpay din na naaresto ng Tracker Team ng Antipolo Component City Police Station, katuwang ang CIDG Eastern DFU NCR, si alyas “Apeng,” 31 taong gulang, Provincial Level Most Wanted Person (Rank No. 7) at City Level Most Wanted Person (Rank No. 1). Ang pag-aresto ay isinagawa sa Brgy. Olympia, Makati City, sa bisa ng Warrant of Arrest para sa dalawang (2) bilang ng paglabag sa RA 7610 (Anti-Child Abuse Law).

Pinuri naman ni PCol Feloteo A Gonzalgo, Acting Provincial Director, Rizal PPO, ang dedikasyon at koordinasyon ng mga kapulisan sa matagumpay na operasyon, at muling tiniyak sa publiko ang patuloy na pagsisikap ng Philippine National Police na ipatupad ang batas at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad lalong lalo na sa lalawigan ng Rizal.

Source: RIZAL PPO FB Page