“Butcher” sa Samar, arestado ng CIDG sa salang Murder

0
781

Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang lalaking butcher na kilala bilang “Mar,” na itinuturing na Number 4 Regional Most Wanted Person sa Eastern Visayas, kaugnay ng kasong murder sa Catbalogan City, Samar.

Isinagawa ang pag-aresto noong Disyembre 9, 2025 bandang alas-11 ng umaga ng CIDG Western Samar Provincial Field Unit, katuwang ang Catbalogan Municipal Police Station, sa Barangay 03, Catbalogan City.

Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na OPLAN PAGTUGIS ng CIDG alinsunod sa direktiba ng Acting Chief, PNP na si PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Ayon sa ulat na ipinaabot kay PMGen Robert Alexander A Morico II, Acting Director ng CIDG, ang naarestong suspek na 37 taong gulang, may common-law wife, at residente ng Brgy. Pangdan, Catbalogan City, ay hinuli sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong murder na inilabas ng korte ng Catbalogan City noong Disyembre 3, 2025.

Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente noong Oktubre 20, 2025 bandang alas-2:20 ng madaling araw sa Brgy. 4, Catbalogan City. Habang nasa isang inuman umano ang suspek kasama ang isang kaibigan na itinuturing na co-accused, pinagsusuntok at sinaksak niya ang biktima sa likuran na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.

Pinuri ng pamunuan ng CIDG sina PCol Felix G. Gervacio Jr., Regional Chief ng CIDG RFU-8, at ang CIDG Western Samar Provincial Field Unit sa pamumuno ni PMaj Emiliano M. Camama sa mabilis na pagkakaaresto sa suspek anim na araw lamang matapos mailabas ang warrant.

Matatag na naninindigan ang CIDG laban sa kriminalidad at ang patuloy na pagtugis sa mga wanted na indibidwal upang maihatid ang katarungan sa mga biktima at kanilang mga pamilya.