Krimen sa bansa, bumaba ng halos 13% sa pagtatapos ng 2025

0
975

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na patuloy ang pagbaba ng focus crimes sa buong bansa mula Oktubre hanggang Nobyembre 2025, kung saan mula sa 3,001 na naitalang kaso noong Oktubre, bumaba ito sa 2,615 noong Nobyembre o katumbas ng 12.86% pagbaba.

Ayon kay PLtGen Jose Melencio C Nartatez Jr., Acting PNP Chief, ang positibong trend na ito ay bunga ng pagpapatupad ng PNP Focused Agenda na nakatuon sa pinaigting na presensya ng pulisya, mas mahusay na intelligence operations, at mahigpit na pagpapatupad ng batas sa buong bansa.

Kabilang sa mga krimeng may pinakamalaking ibinaba ang rape, na bumagsak ng 35.27 porsiyento mula 550 patungong 356 kaso. Bumaba rin ang physical injury ng 17.24 porsiyento at ang murder ng 14.18 porsiyento, na nagpapakita ng malinaw na pagbuti ng peace and order situation sa mga komunidad.

Naitala rin ang pagbaba sa kaso ng theft mula 1,173 patungong 1,063 o 9.38 porsiyento. Bahagyang bumaba ang motorcycle theft mula 211 patungong 206 kaso, habang nanatiling hindi nagbago ang bilang ng carjacking incidents sa 20 kaso sa parehong buwan.

Malaki rin ang naging improvement sa cybercrime prevention matapos bumaba ang mga kaso mula 379 noong Oktubre patungong 311 noong Nobyembre, o katumbas ng 17.94 porsiyentong pagbaba. Ayon kay PLtGen Nartatez, patunay ito na aktibong binabantayan ng PNP ang digital space laban sa iba’t ibang uri ng krimen.

Magpapatuloy ang mas pinaiigting na operasyon, mas malinaw na police presence, at mas pinalakas na ugnayan sa komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa buong bansa.

Source: https://www.manilatimes.net/2025/12/13/news/national/ph-crimes-on-downtrend-as-2025-nears-end-pnp/2242577