Php136K halaga ng shabu, nasabat sa buy-bust ng awtoridad

0
602

Nasabat ang tinatayang Php136,000 halaga ng shabu mula sa isang indibidwal sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Caritan Norte, Tuguegarao City, Cagayan pasado alas-7:20 ng gabi, Disyembre 3, 2025.

Kinilala ang suspek na si alyas “Jimuel”, 40 taong gulang, may asawa, isang pintor at residente ng nasabing barangay.

Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim sa pangunguna ni PLtCol Noriel U Lacangan, hepe ng Provincial Intelligence Unit–PDEU, katuwang ang 1st CPMFC, PDEA Cagayan, at Tuguegarao Component City Police Station.

Nakuha sa posesyon ng suspek ang anim na piraso ng heat-sealed plastic sachets na may hinihinalang shabu na nasa tinatayang 19 gramo at ang dalawang piraso ng parehong kontrabando na ginamit ng suspek sa buy-bust operation.

Ang hinihinalang droga na nasamsam ay may Standard Drug Price na Php136,000, kasama sa nasamsam ang ginamit na buy-bust money, cellphone, empty cigarette pack at brown envelope.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Ayon kay Provincial Director PCol Mardito G Anguluan, “Malinaw ang mandato ng Cagayan Police Provincial Office na protektahan ang publiko laban sa banta ng ilegal na droga. Ang matagumpay na operasyong ito ay bunga ng patuloy na kooperasyon ng ating mga mga kapulisan at partner agencies upang masugpo ang mga indibidwal na patuloy na nagpapakalat ng ipinagbabawal na gamot. Hindi kami titigil hangga’t hindi natin napapanagot ang mga nasa likod ng kriminalidad at nalilinis ang ating mga komunidad mula sa salot na droga.”