Apat na suspek, arestado ng PNP-Maritime Group sa paglabag ng Republic Act 10654

0
527

Arestado ang apat na suspek sa magkahiwalay na seaborne patrol operations na isinagawa ng mga tauhan ng Antique Maritime Police Station sa baybayin ng Barangay Mapatag, Hamtic, Antique, dakong 8:45 ng umaga at 9:00 ng umaga ng Disyembre 1, 2025.

Kilala ang mga suspek na sina alyas “Onad”, “Cruz”, at “Jome”, mga residente ng Hamtic, Antique, at alyas “John” ng Barangay Banawon, matapos maaktuhang nangingisda nang walang kaukulang permit at malinaw na paglabag sa Fisheries Code of the Philippines.

Nasabat ang dalawang bangkang MBCA Dolphin Boy 4 at MBCA Dolphin Boy 2, na kapwa lumabag sa Section 86 ng Republic Act 10654 (Illegal Fishing).

Ayon kay PBGen Lou F Evangelista, Director ng Maritime Group, “Hindi natin hahayaan na masira ang ating yamang-dagat at malagay sa panganib ang kabuhayan ng mga coastal communities dahil sa mga ilegal na gawain. Sa ilalim ng ‘Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,’ titiyakin ng Maritime Group na ang bawat operasyon ay mabilis, akyureyt, at may tunay na epekto sa ating mga kababayan.”

Patuloy na nananawagan ang PNP–Maritime Group sa publiko, lalo na sa sektor ng pangingisda, na makiisa sa pagsusulong ng responsableng pangingisda at pangangalaga sa marine resources upang mapanatili ang kaayusan, seguridad, at maunlad na kabuhayan sa mga baybaying komunidad.