Hindi alintana ng kapulisan at kanilang mga katuwang ang pagtawid sa ilang ilog, paglusong sa tubig hanggang baywang, at pagtahak sa madulas at malabanging daan para maihatid ang kinakailangang serbisyo sa Agta community ng Zone 7, Barangay Tanglagan, Gattaran, Cagayan noong Disyembre 2, 2025.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni PLt Francisco Pattaui, Team Leader ng RPSB Team, katuwang ang Company Advisory Group sa pamumuno ni Mr. Gilbert Chan, Vice President for Internal Affairs, mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Punong Barangay Hon. Carmelo Aquino, at iba pang mga stakeholders. Sama-sama nilang naisakatuparan ang layuning makapagbigay ng serbisyong pangkaunlaran at tulong sa komunidad.


Sa lugar, pormal na naipagkaloob sa mga residente ang dalawang bagong tayong communal CR, dalawang libreng patubig, at isang solar light.
Bukod dito, namahagi rin ang grupo ng bigas at gatas para sa mga malnourished na bata sa ilalim ng Project Nutriluto 90 Days Challenge, at dalawang water filter upang matiyak ang pagkakaroon ng malinis at ligtas na inuming tubig. Isinagawa rin ang feeding activity para sa buong komunidad.


Lubos ang pasasalamat ng Agta community, na sa wakas ay nagkaroon ng maayos na palikuran, patubig, at karagdagang pailaw—mga serbisyong kanilang matagal nang inaasam at malaking tulong sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Muling pinatutunayan ng 2nd Cagayan PMFC, sa pamumuno ni PMaj Jefferson D. Mukay, Acting Force Commander, kasama ang RPSB Team at kanilang Advisory Group, na walang matarik na daan o malalim na ilog ang makapipigil sa kanilang misyon na maghatid ng tapat, mabilis, at tunay na serbisyong pampubliko, lalo na sa mga komunidad na higit na nangangailangan.
Source: 2nd Cagayan PMFC



