Seguridad sa Trillion Peso March, mas pinaiigting pa ng PNP sa Metro Manila

0
685

Mas pinaiigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa buong kalakhang Maynila kasabay ng pagsisimula ng Trillion Peso March nito lamang umaga ng Linggo, Nobyembre 30, 2025.

Ang naturang demonstrasyon ay isinagawa kasabay ng selebrasyon ng Bonifacio Day ngayong taon, kung saan nagtipon-tipon ang mga kalahok ng nasabing rally upang ipanawagan at kundinahin ang malawakang kurapsyon sa pamahalaan.

Alinsunod dito, umaga pa lang ay nakaantabay na ang buong pwersa ng Pambansang Pulisya partikular na sa mga pangunahing lugar sa kamaynilaan kung saan gaganapin ang naturang mga rally, tulad ng People Power Monument sa Quezon City at Rizal Park sa Maynila.

Sa Manila City, mayroon ng inilalagay na mga shipping containers at mga barbed wire sa paligid ng Mendiola Peace Arch bilang karagdagang security measure habang nagpapatuloy ang kilos-protesta.

Samantala, pinaaalalahanan naman ng Pambansang Pulisya ang mga motorista na planuhing mabuti ang kanilang mga biyahe sapagkat aasahan nila ngayong araw ang mabigat na daloy ng trapiko. Maaari rin nilang alamin ang mga alternatibong ruta sa paligid ng rally sites upang makaiwas sa anumang abala habang sila ay bumibiyahe.

Photo Courtesy: NCRPO